Tiniyak ni House Majority Leader Mannix Dalipe na pursigido ang liderato ng Kamara na maaprubahan sa ikatlong pagbasa ang panukalang batas na maipagpaliban ang barangay at sanguniang kabataan elections (BSKE) bago mag-break ang Kongreso sa October 1.
Una rito kahapon sa pamamagitan ng viva voce voting ay lusot na sa ikaalawang pagbasa sa Kamara ang panukalang pagpapaliban sa baranggay at sangguniang kabataan elections.
Ani Dalipe, suportado ng House speaker ang pagpapaliban sa halalan upang bigyan ng pagkakataon ang Commission on Elections (Comelec) at mga lokal na pamahalaan na makapaghanda para sa mas maaayos at malinis na eleksyon gayundin ay mai-adjust ang honoraria ng mga poll worker.
Ang naturang panukala ay consolidation ng nasa 43 magkakahalintulad na House bills.
Sa ilalim ng House Bill 4673, ipagpapaliban ang dapat sana ay BSK elections sa December 5, 2022, at sa halip ay isasagawa na lamang sa unang Lunes ng December 2023.
Habang ang susunod na BSKE ay itatakda sa unang Lunes din ng December 2026, at kada susunod na tatlong taon.
Oras na pagtibayin ang panukala, mananatili sa posisyon ang kasalukuyang BSK officials, maliban na lamang kung masususpinde o maaalis sa puwesto.