-- Advertisements --

Limang araw na palugit ang ibinigay ng House Committee on Ethics and Privileges kay Negros Oriental Rep. Arnolfo ‘Arnie’ Teves upang magpa-liwanag hinggil sa absence without leave nito matapos mag expire ang kaniyang travel authority.

Sa isang panayam sinabi ni NATCO-COOP Party-list Rep. Felimon Espares, na siya chairman ng komite, na ngayong araw o bukas magpapadala sila ng sulat kay Teves upang hingin ang panig nito sa kanyang napasong travel authority.

Kung matatandaan hanggang March 9 lang ang travel authority ni Teves para bumiyahe sa Estados Unidos.

Humingi ito ng extension ng travel authority hanggang April 9 ngunit dahil sa hindi nakasaad kung nasaang bansa siya ay hindi ito pinagbigyan.

Sabi ni Espares, sakali namang hindi tumugon si Teves sa loob ng limang araw na ibinigay sa kanya ay saka muling pag-uusapan ng komite kung ano ang magiging susunod nilang hakbang.

Nais matukoy ng komite kung may pahlabag ang ginawa si Teves sa kanyang patuloy na pagliban sa trabaho; at para na rin sa maprotektahan ang imahe ng Kamara.

Ipinaliwanag ni Espares, dahil “mainit” ang isyu na kinakaharap ni Rep. Teves, partikular ang pagkakasangkot umano ng mambabatas sa kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at iba pa, dahilan na nagsagawa sila ng moto propio inquiry.

Dapat aniyang matiyak na mayroong magagawa ang Kamara bilang institusyon.

Pagtiyak ni Espares na dadaan ang usapin sa tamang proseso at bibigyan ng due process si Cong. Teves at kung sakali na makita na may ginawang paglabag si Teves, maaaring irekumenda ang “disciplinary actions” gaya ng suspensyon o kaya’y expulsion o “dropping from the roll” o pag-alis sa hanay ng mga kongresista.

“May mga action din ang committee of course sa colleague natin. One action there is the committee approved to acquire our jurisdiction on the matters particularly lang doon lang naka sentro sa expired travel authority. So wala nang iba. Part of the action of the committee, through the chair, susulat muna kami sa aming colleague na mag-explain bakit hindi niya magawa-gawa I process yung kanyang expired travel authority and might be on the next probe, we will be hearing his side as well,” pahayag ni Rep. Espares.