Kinontra ng election watchdog na Kontra-Daya ang panukalang pagbuo ng Commission on Elections (Comelec) ng isang task force upang bantayan ang mga kaso ng vote-buying incidents sa bansa.
Sakop nito ang panahon ng kampanya, hanggang sa mismong araw ng halalan.
Ayon kay Kontra-Daya convenor Professor Danilo Arao, hindi na kailangang bumalangkas pa ng panibagong lupon para sa trabahong dati namang saklaw ng poll body.
Parte ng functions ng nais na buuing grupo ang pag-iimbestiga at pagpapanagot sa mga nasa likod ng mga vote-buying incidents partikular ang malalaking pulitiko.
Dagdag pa nito, kadalasan kasi ng mga nakakasuhan ng vote-buying ay ang mga supporters lamang habang ang mga pulitikong nahuhuli sa akto ay mabilis na nakakalusot.
Samantala, nanawagan si Arao sa Comelec na madaliin ang pag-upload ng precinct finder upang maalis na sa listahan ang mga yumaong botante sa panahon ng pandemya.