CAGAYAN DE ORO CITY – Maglulunsad din ng parallel investigation ang 1st Infantry Tabak Division matapos maiugnay ang isa sa kanilang tauhan na umano’y responsable sa pag-ambush sa dating bise alkalde ng Dumingag, Zamboanga del Sur sa nakalipas na araw.

Ayon kay 1st ID spokesperson Capt. Clint Antipala, nakikipag-coordinate na sila Lanao del Norte Provincial Police Office at sinusuportahan ang kanilang nasimulang imbestigasyon.

Unang sinabi ni Lanao del Norte Provincial Police Office spokesperson C/Insp. Salman Saad na nananatiling nasa kanilang kustodiya ang isa sa mga suspek at ang ginamit na sasakyan.

Nasa ligtas na ang kalagayan ng biktima na si Nacianceno Pacalioga Jr. matapos magtamo ng mga sugat ng bala nang tambangan habang umiihi lamang sa gilid ng daan sa Lanao del Norte noong nakarang araw.