-- Advertisements --

Naniniwala ang Malacañang na hindi na kailangang magtalaga ng pansamantalang hahalili kay DENR Sec. Roy Cimatu habang abala ito sa pagtutok ng COVID-19 situation sa Cebu City.

Magugunitang inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Sec. Cimatu na magtungo sa Cebu City para alamin ang mga nagawa na, mga hindi pa nagawa at kailangan pang gagawin sa pagtugon sa patuloy na pagtaas sa bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 sa lungsod.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, hindi na kailangan pang magtalaga ng kapalit ni Sec. Cimatu sa DENR dahil inaasahang hindi naman magtatagal ang assignment ng kalihim sa Cebu City at Talisay City, lalo target lamang naman ng pamahalaan ay maibaba sa general community quarantine (GCQ) ang status ang mga nabanggit na lugar.

Maliban dito, maraming beses na rin umanong nabigyan ng special mission ang DENR Secretary.

Halimbawa umano ang paglilinis noon sa Boracay Island at iba pa na hindi naman kinailangang magtalaga ng kapalit nito sa DENR.