-- Advertisements --

Itinanggi ni AFP Chief Lt. Gen. Benjamin Madrigal na sa militar nanggaling ang matataas na kalibre ng baril na nakuha sa mag-asawang gunrunner na naaresto ng PNP noong Linggo.

Ayon kay Madrigal, nakapagsagawa na sila ng initial investigation at nakausap na rin niya ang comamnding general ng Army na si Lt. Gen. Macairog Alberto at maging ang mga tauhan ng Army logistics.

Kinumpirma aniya ng mga ito na hindi bahagi ng imbentaryo ng AFP ang dalawang assault rifle at handgun na nakuha sa mag-asawang suspek na sina Edgardo at Rosemarie Medel.

Ang halos 13,000 bala naman na nakuha sa mga suspek ay kasalukuyang tinutukoy kung saan galing sa pamamagitan ng kanilang lot numbers.

Dagdag pa ni Madrigal na kaduda-duda aniya ang mga kahon na may tatak na “AFP” na pinaglagyan ng mga bala dahil hindi aniya ito ang karaniwang olive-drab na kulay ng mga kahon ng bala ng militar.

Gayunpaman, mayroon na aniyang pinaghihinalaan ang militar na source ng mga bala, na hindi pa nila maibunyag sa ngayon para mahuli muna ito.