-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Nananatili pa sa Caraga Regional Hospital sa Surigao City ang 10 sa 22 mangingisdang nailigtas sa pangunguna ng Philippine Coast Guard (PCG)-Surigao del Norte.

Na-rescue sila mula sa nasunog at sumabog na bangkang pangisda sa karagatang sakop ng Bucas Grande Island ng lalawigan nitong nakaraang hapon.

Sa isang eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Lawrence Roque, commander ng PCG-Surigao del Norte, na agad nilang nirespondihan ang natanggap na distress call.

Nasagip nila ang lahat ng 22 sakay nito ngunit nagtamo ng paso sa iba’t ibang parte ng katawan ang 10 naospital matapos na hindi kaagad makatalon.

Ayon kay Roque, mula ang mga biktima sa iba’t ibang lugar sa Bayawan City, Negros Oriental at nakarating sa karagatan ng Bucas Grande upang mangisda.

Inihahanda ang mga dokumento para sa kanilang pag-uwi.