-- Advertisements --

Matagumpay na naipadeport ng gobyerno ng Pilipinas ang nasa isang daang Chinese ex-Philippine Offshore Gaming Operators workers pabalik sa China.

Ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission, ang gobyerno ng China ang gumastos para sa airfare ng mga ito na layong hindi na ito makatakas pa.

Sa isang pahayag ay sinabi ni PAOCC Executive Director Undersecretary Gilbert Cruz, sa sandaling makarating sa China ang mga deportees, sasailalim ang mga ito sa kaukulang imbestigasyon .

Kabilang sa kanilang iimbestigahan ang mga ginawa nitong ilegal na aktibidad katulad ng scamming, cybercrime, fraud, at money laundering na mahigpit namang ipinagbabawal sa China.

Mahalaga aniya sa China ang mga impormasyon na maaari nilang makuha sa mga boss ng POGO kaya’t importante na makarating ito ng kanilang bansa.

Una nang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapatigil sa lahat ng operasyon ng mga POGO sa Pilipinas noong Hulyo 22, 2024.

Kasunod ito ng pagkakadiskubre ng mga ilegal na aktibidad nito sa bansa katulad ng torture, love scams, at iba pang krimen.