Iniulat ng Supreme Court of the Philippines na nasa mahigit 10,000 examinees ang sasabak sa 2023 Bar examinations na nagsimula ngayong Linggo, Setyembre 17,2023.
Ayon kay Supreme Court Associate Justice Ramon Paul Hernando, chairperson ng pagsusulit ngayong taon, batay sa datos mula Office of the 2023 Bar Chair, nasa kabuuang 10, 791 individuals mula sa 14 na local testing centers sa buong bansa ang kumuha ng exam.
Sinabi ni Hernando, nasa 5,821 ang kukuha ng Bar examinations sa unang pagkakataon habang 4,970 ang sasalang sa parehong exam hindi bababa sa pangalawang pagkakataon.
Sinalubong ni Hernando ang ilang examinees sa San Beda College Alabang sa Muntinlupa City ngayong Linggo ng umaga.
Siniguro naman ni Hernando na handa ang ilang tauhan ng hudikatura para siguraduhin ang integridad at ang maayos na pagsasagawa ng Bar exams.
Naka-schedule sa tatlong araw ang Bar exams ngayong taon.
Ang una ay ngayong Linggo at ang mga susunod na schedule ay sa September 20 at 24.
Dito sa Maynila sa University of Sto Tomas ang testing site kung saan tiniyak ng Manila Police District ang seguridad sa lugar.