Tiwala ang Samahang Weightlifting ng Pilipinas na makakapasok sa Paris Olympics ang pambato ng bansa na si Hidilyn Diaz at tatlong iba pang mga weightlifters.
Sinabi ni Samahang Weightlifting ng Pilipinas secretary-general Patrick Lee na bukod kay Diaz-Naranjo ay malaki din ang potensiyal na makapasok sa Paris Olympics sina Vanessa Sarno, Rosegie Ramos at John Febuar Ceniza.
Bagamat naniniwala sila na kayang-kaya ng mga ito na makapasok sa Paris Olympics ay hindi rin nila tiyak dahil sa maraming mga mangyayari pa sa olympic qualifiers.
Itinakda kasi ng International Weightlifting Federation ang World Cup sa Phuket, Thaliand mula Marso 31 hanggang Abril 11 na siyang pang-anim at huling Olympic qualifiers.
Tiniyak ng 56-kgs Tokyo Olympics Gold medalists na si Hidilyn na ito ay lalahok sa Phuket matapos na umatras sa Asian championship sa Tashkent noong nakaraang buwan.
Ang two-time Southeast Asian Games champion na si Srano ay pang lima sa women’s 71 kgs, habang ang 20-anyos na si Ramos ay pang-siyam sa women’s -49 kgs. matapos ang limang Olympic qualifiers.
Si Ceniza naman ay hindi naglaro sa Asian Championship na nasa pang-anim na puwesto sa +61 kgs.
Nakatakdang ianunsiyo ng IWF ang mga qualifiers sa Paris sa buwan ng Mayo.