Humarap ngayong araw si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Assistant Engineer Brice Ericson Hernandez sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa unang hearing ng komisyon bilang bahagi ng malalimang imbestigasyon kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga flood-control projects sa Bulacan.
Ayon kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong, special adviser ng ICI, napagpasyahan ni Hernandez na makipagtulungan matapos maipaliwanag sa kanya ang mga posibilidad at kahihinatnan ng kanyang desisyon.
Dagdag pa ni Magalong na sa kanilang pagdinig ay may mga impormasyon na ibinahagi si Hernandez na maaaring maging bagong lead din sa kanilang impormasyon. Aniya, isiniwalat niya ang lahat ng detalye na alam niya at ilan dito ay hindi pa niya nababanggit sa mga forums at hearing na nangyari sa mga nakaraang linggo.
Maliban kay Hernandez, humarap din sa ICI si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan upang magbigay ng paliwanag. Ang naging pagdinig ay naging closed door meeting ngunit inaasahan pang magpapatuloy ang mga pagdinig ng Independent Commission sa mga susunod na araw, at marami pang personalidad ang iimbitahan para tumestigo.