-- Advertisements --

Inaasahang tututok ang House Committee on Justice sa presentasyon ng ebidensya at mga testigo sa impeachment case ni VP Sara Duterte sa pagsisimula ng “hearings proper” bukas, Marso 25.

Ayon sa komite na pinamumunuan ni Batangas Rep. Gerville Luistro, gaganapin ang pagdinig sa 10 a.m. sa People’s Center, House of Representatives, kung saan itatakda ang ground rules at tatalakayin ang mga mosyon bago pormal na dumako sa ebidensiya.

Kabilang sa tatalakayin ang natitirang impeachment complaints na inihain nina Father Joel Saballa at Atty Nathaniel Cabrera, na parehong inendorso ng ilang mambabatas.

Kasama rin sa agenda ang mga mosyon para sa subpoena ng mga dokumento, pati na ang petisyon na ilagay sa kustodiya ng panel ang isang testigo na si Ramil Madriaga, na nagsasabing dating “bagman” umano ng Bise Presidente.

Tinutukan din ang isyu ng posibleng conflict of interest ng ilang miyembro ng legal team ni Duterte na maaari ring maging testigo.

Ayon sa komite, sisimulan na rin ang pagdinig sa ebidensya kapag handa na ang magkabilang panig, at tanging mga miyembro lamang ng panel ang magtatanong sa mga testigo.

Kabilang sa mga paratang ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, unexplained wealth, SALN violations, bribery, at pagbabanta sa mga matataas na opisyal ng gobyerno. (Report by Bombo Jai)