-- Advertisements --
DUQUE VACCINE 3
IMAGE | Health Sec. Francisco Duque III and Usec. Gerardo Bayugo/DOH handout

MANILA – Matapos ang halos dalawang buwan ng COVID-19 vaccination rollout sa bansa, naturukan na ng bakuna si Health Sec. Francisco Duque III.

Nitong araw nang mabakunahan ang kalihim ng CoronaVac, ang bakuna ng Chinese company na Sinovac, sa gymnasium ng Department of Health – Central Office na isang vaccination site.

Bago mag-alas-10:00 ng umaga nang dumating sa vaccination site si Duque. Tulad ng mga nabakunahan, dumaan din siya sa proseso ng health education, symptoms screening, at post-vaccination monitoring.

Si DOH Usec. Gerardo Bayugo ang nagturok ng bakuna sa Health chief. Ito ang unang beses na mababakunahan laban sa COVID-19 ang kalihim.

“Inantay ko na mayorya ng healthcare workers na maunang maturukan kaya yun ang naging desisyon ko. Naghintay ako ng mahaba-habang panahon, almost two months,” ani Duque sa interview ng PTV-4.

Pasok sa A2 priority group o hanay ng senior citizens ang kalihim na nasa edad 64-years old na.

“So far okay naman, halos wala akong naramdaman. Magaan yung kamay nung nagturok sa akin eh. Siguro little pain sa injection site,” ani Duque nang tanungin sa adverse effect.

Batay sa huling tala ng DOH, as of April 20, nasa halos 1-milyon na o higit 989,000 healthcare workers na ang nabigyan ng unang dose ng bakuna.

Umapela naman ang kalihim sa publiko na huwag mag-alinlangan sa pagtanggap ng bakuna. Hinimok din niya ang mga Pilipino na magpaturok ng COVID-19 vaccines dahil libre itong ipinapamahagi ng pamahalaan.