-- Advertisements --
DUTERTE DOH TAG
IMAGE | President Rodrigo Duterte on Wednesday met member experts of the DOH-Technical Advisory Group. In photo: (L-R) Dr. Cynthia Saloma, Dr. Edsel Salvana, Presidential spokesperson Harry Roque, Health Sec. Francisco Duque, Dr. Anna Ong-Lim, and Dr. Marissa Alejandria/Screengrab, RTVM

MANILA – Inirekomenda ng ilang health experts na iklian ang quarantine period ng mga overseas Filipino workers (OFW) na uuwi ng bansa.

“We can shorten the duration of quarantine from 14 days, if there are no symptoms to the end of 10 days, basta walang symptoms we can do it 10 days,” ani Dr. Edsel Salvaña, miyembro ng DOH-Technical Advisory Group.

Ang rekomendasyon ng mga eksperto ay tugon sa apela ng Department of Labor and Employment (DOLE) tungkol sa kasalukuyang testing at quarantine protocol ng mga OFW.

Sa ilalim kasi ng kasalukuyang guidelines, agad dumi-diretso sa quarantine facility ang mga bagong uwing Pinoy overseas worker. Sumasailalim lang sila sa COVID-19 test pagdating ng ikalimang araw sa pasilidad.

Kung negatibo sa test, pinapayagan na silang makauwi sa bahay pero kailangan pa rin tapusin ang natitirang 10-araw na quarantine.

Ang mga positibo naman ay mananatili sa pasilidad hanggang matapos ang 14-araw na quarantine.

“Pero disadvantage as Sec. (Silvestre) Bello has already said, this is still very expensive and now that we have seen na even up to the seventh day puwede pa silang mag-test positive sa seventh day rather than the fifth day, so may nami-miss pa rin po,” dagdag ni Salvaña.

Dalawang option ang inilatag ng DOH-TAG experts bilang rekomendasyon. Una ay ang striktong facility-based quarantine sa loob ng 10-araw, na may optional na testing sa ika-pitong araw.

“Kahit walang testing, ‘pag nakumpleto ‘yong 10 days na walang symptoms, we can release them po.”

“And then option two, if kapos po talaga ‘yong funds for facility-based quarantine, we can do strict LGU quarantine. If they are set up at home we can do that; if not, sa TTMF kung puwede and selective testing as mentioned on the 7th day po.”

Paliwanag ng infectious disease specialist, may ebidensya na posibleng hindi pa rin makaramdam ng sintomas ang isang tao pagdating ng ikalimang araw mula nang ito ay ma-expose sa isang confirmed case.

Kaya inirerekomenda nila ang testing sa ika-pitong araw ng mga asymptomatic o walang nararadamang sintomas.

Sa kabila nito binigyang diin ni Dr. Anna Ong-Lim, ang kahalagahan ng mahigpit na pagpapatupad ng quarantine para ma-kontrol ang pagkalat ng sakit, lalo na ng mga bagong virus “variant.”

“This is really coming from the fact that tests always have a false negative rate and if we really want to secure our borders, then the only way to go is to implement quarantine strictly.”

“The system should be in place to be able to isolate once they get symptoms and they get tested. And then that’s the policy that we can adopt if we are to — considering that the — taking into consideration the economic burden, the physical, emotional burden that the 14-day quarantine is imposing,” ayon naman kay Dr. Marissa Alejandria.

Dahil papayagan nang makauwi sa bahay ang mga magne-negatibo sa test, ipinaalala din ng mga eksperto ang papel ng local government units sa pagbabantay sa kanilang mga residente.

“Alam mo naman tayong mga Pilipino, exuberant. Ang hirap-hirap talaga, magcha-chat talaga sa neighbor, mga kapatid, mga kaibigan… so pauwiin man sila sa bahay nila o LGU man sila, we really need to enforce po ‘yong strict quarantine. Iyon lang po talaga ‘yong ating panlaban dito,” ani Dr. Cynthia Saloma.

Sang-ayon si Pangulong Rodrigo Duterte sa rekomendasyon ng mga eksperto. Pero aminado rin siyang nauubos na ang pondong panggastos sa quarantine ng mga umuuwing OFW.

Gayunpaman, hindi raw hahayaan ng presidente na makompromiso ang kaligtasan ng mga Pilipino mula sa pandemic na sakit.

“I am not ready for a compromise here of about — lalo na ngayon. Iyong ibang sakit siguro, puwede pa ‘yong mga rabies-rabies diyan. Pero ito, eh talagang as you have said, it’s a “dapo dito, dapo doon.” And then you have the exponential problem now of how to take care of the Filipinos.”

Kailangan pang aprubahan ng Inter-Agency Task Force ang rekomendasyon ng DOH-TAG, at opisyal na mapirmahan ni Duterte ang panukala bago maipatupad.