Maghaharap na sa finals sa araw ng Linggo ng 2023 FIBA Basketball World Cup ang Germany at Serbia.
Kasunod ito sa mga panalo ng nabanggit na koponan laban sa semifinal round.
Ito na ang pangalawang pagkakataon na nakaabot sa finals ng FIBA World Cup ang Serbia habang unang pagkakataon naman sa Germany na makapaglaro sa finals.
Sa limang pagkakataon na nagkaharap ang dalawang koponan ay mayroong tatlong beses na panalo ang Germany habang dalawa lamang ang Serbia.
Dalawang nanalo ang Germany sa 2019 World Cup European Qualifiers at isa sa 2010 World Cup.
Magugunitang nitong Biyernes sa semfinal round ay hindi na pinaporma ng Serbia ang Canada 95-86s sa laro na ginanap sa Mall of Asia Arena.
Sa unang bahagi ng first quarter ay tila nahirapan ang Serbian subalit kanilang nakontrol ang laro at tuluyang lumamang pagdating ng ikalawang quarter hanggang sa last quarter.
Bumida sa panalo ng Serbia si Bogdan Bogdanovic na nagtala ng 23 points, tatlong assists at apat na rebounds habang mayroong 16 points si Ognjen Dobric.
Makapigil hininga naman ang panalo ng Germany kontra sa crowd favorite na USA Basketball Team 113-111.
Sa unang dalawang quarter kasi ay hindi nagkakalayo ang puntos ng dalawang koponan kung saan nakalamang pa ang USA team 60-59 sa pagtatapos ng first half.
Pagpasok ng ikatlong quarter ay doon na umarangkada ang Germany kung saan umabot pa sa 10 points ang kanilang kalamangan hanggang napababa ito ng USA sa pagpasok ng last quarter at napalapit pa ang puntos 107-108.
Nanguna sa panalo ng Germany si Franz Wagner na nagtala ng 22 points, limang rebounds habang mayroong 21 points at pitong rebounds si Daniel Theis.
Makakaharap naman ng USA team ang Canada para sa ikatlong puwesto.