CEBU CITY – Nakahanda umanong harapin ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia kung parusahan man ito ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Ito’y matapos pinanindigan ng gobernadora ang kautusan nito na payagan ang backriding sa motorsiklo kapag magkaanak o mag-asawa.
Unang nagbabala si DILG Usec. Epimaco Densing na maghahain ito ng show cause order sa sinumang local official na nag-lift sa motorcycle backriding ban sa isang lugar dahil salungat ito sa IATF (Inter-Agency Task Force) guidelines.
Pero paliwanag ni Garcia, pinakinggan nito ang daing ng mga Cebuano na nahihirapan sa pag-abang ng masasakyan lalo na at unti-unting bumalik ang mga negosyo sa ilalim ng general community quarantine.
Kasunod nito, ay tinutulan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panawagan ng Cebu Provincial Government na payagan ang motorcycle backriding kahit magkaanak dahil sa health protocols laban sa coronavirus pandemic.