Ipinasakamay na rin ng Hamas ang apat pang labi ng mga nasawing bihag matapos mag-isyu ng panibagong babala si US President Donald Trump ng pag-disarma sa grupo.
Nitong Martes ng gabi, dumating na sa Israel ang karagdagang labi ng mga binihag na Israelis na na-retrieve ng Red Cross saka itinurn-over sa Israeli military.
Dinala rin ang apat na labi sa National Institute for Forensic Medicine sa Tel Aviv para matukoy ang kanilang pagkakakilanlan.
Sa kabuuan, walo na ang bilang ng mga labi ng nasawing bihag na naibalik ng Hamas.
Ginawa rin ng Hamas ang pagbabalik ng mga labi matapos magbabala ang Israel na pipigilan nito ang pagpasok ng mga humanitarian aid sa Gaza hanggang sa tuluyan nang maibalik ng Hamas ang lahat ng 28 labi ng mga nasawing bihag.
Matatandaan, nauna nang itinurn-over ng Hamas ang apat na labi ng mga bihag na natukoy na, kabilang dito ang Israeli military Captain na si Daniel Peretz, Guy Iluz, Yossi Sharabi at Bipin Joshi, kasabay ng pagpapasakamay sa 20 buhay pa sa ilalim ng ceasefire agreement.
Gayundin naibalik na ng Israel sa Gaza ang 45 nasawing Palestino na kanilang hawak kasabay ng pagpapalaya sa mahigit 1,700 Palestinian detainees at 250 prisoners.
Subalit, nagpahayag naman ng galit ang Hostages and Missing Families Forum, na kumakatawan sa mga pamilya ng mga bihag na Israelis, matapos ngang hindi ibinalik ng Hamas ang lahat ng mga labi ng mga nasawing bihag at nanawagan sa Amerika na idemand sa Hamas na tuparin ang kanilang ipinangako sa kasunduan at ibalik sa Israel ang lahat ng natitirang mga bihag kahit pa ang mga ito ay wala nang buhay.