Hiniling ng Hamas na isama sa listahan ng mga palalayain ng Israel ang ilang prominenteng bilanggo kabilang sina Marwan Barghouti at Ahmad Saadat, bilang bahagi ng ceasefire deal na magreresulta rin sa pagpapalaya ng mga Israeli hostages.
Nangyari ito matapos ilabas ng Israeli Justice Ministry ang listahan ng 250 Palestinian prisoners na palalayain, ngunit hindi isinama ang pito sa mga kilalang bilanggo.
Ayon sa mga opisyal ng Hamas, ang hindi pagsama kina Barghouti at Saadat na parehong hinatulang makulong habambuhay dahil sa mga pag-atakeng ikinasawi ng mga Israeli ay isang malaking isyu aniya na maaaring makaapekto sa takbo ng kasalukuyang kasunduan.
Batay kasi sa kasunduan na inihain ni U.S. President Donald Trump, 20 Israeli hostages ang inaasahang palalayain bago magtanghali sa Lunes, Oktubre 13. Kasabay nito, magpapalaya rin ang Israel ng 250 Palestinian prisoners at mahigit 1,700 bilanggo mula Gaza.
Muling nanindigan ang opisyal ng Palestinian na nangako umano si US envoy Steve Witkoff na tatalakayin kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang pag-papalaya sa mga prominenteng bilanggo sa listahan, ngunit tumanggi umano ang Israel.
Nabatid na si Barghouti, ay miyembro ng Fatah, na itinuturing na pinakapopular na lider sa hanay ng mga Palestino at posibleng makatalo kay Mahmoud Abbas o sinumang lider ng Hamas sa halalan.
Habang si Saadat na lider ng Popular Front for the Liberation of Palestine (PFLP), ay nahatulang makulong ng 30 taon dahil sa umano’y pagplano ng mga pag-atake sa Israel, kabilang ang pagpatay sa isang mataas na opisyal ng bansa noong 2001.
Samantala, inaasahang daan-daang aid trucks ang papasok araw-araw upang maghatid ng tulong sa mga sibilyan.