-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Inihahanda na kasong paglabag sa Republc Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang dalawang residente ng Quezon City na nasamsaman ng milyong halaga ng marijuana bricks sa Bulanao Tabuk City, Kalinga.

Ang dinakip na magkaibigan ay sina Jose San Juan Raymundo Jr., 20, binata, residente ng Barangay South Triangle, Quezon City at si Kian Cortez, 22, may asawa at residente ng Kamuning Quezon City, Manila.

Ang mga suspek ay inaresto ng pinagsanib na puwersa Police Intelligence Branch/Drug Enforcement Unit, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Kalinga, Regional Intelligence Division, Police Regiona Office-Cordillera (PRO-COR) Intelligence Unit , Tabuk City Police Station at First Kalinga Police Mobile Force Company sa Purok 6, Bulanao, Tabuk City, Kalinga.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan,inihayag ni Police Lt. Col. Romulo Talay Jr, hepe ng Tabuk City Police Station, akatanggap ng impormasyon ang mga otoridad na ang dalawang suspek ay sakay ng Ace Finder Bus na may plakang 141208 patungong Tabuk City, Kalinga na may mga dalang marijuana.

Bilang tugon, ang mga otoridad ay nagsagawa ng checkpoint at namataan ang nasabing bus sa Purok 6, Bulanao, Tabuk City ngunit nakahalata ang dalawa na sinubukang tumakas ngunit nahabol ng mga otoridad.

Nakuha sa pag-iingat ng mga pinaghihinalaan ang limang travelling bag at backpack na naglalamang ng 37 bricks ng marijuana na nagkakahalaga ng mahigit P4.4 million batay sa pagtaya ng Dangerous Drugs Board (DDB).

Ang dalawang suspek ay dinala na sa himpilan ng pulisya para sa mas malaliman pang imbestigasyon.

Dinala na sa PNP Crime Laboratory ang mga nasamsam na 37 marijuana bricks.