MANILA – Aabot na sa halos 5-milyong indibidwal ang nababakunahan ng pamahalaan laban sa COVID-19.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, malapit nang tumuntong sa 4.7-million ang bilang ng mga indibidwal na nabigyan ng COVID-19 vaccine mula noong Marso.
Sa ngayon higit 1-milyon sa mga ito ang fully vaccinated na, o nakatanggap ng dalawang doses ng bakuna.
Umaabot na raw sa 170,000 doses ng bakuna ang naituturok ng gobyerno kada araw.
Pero target pa rin nilang maabot ang 500,000 jabs per day, para makamit ang target na 50-milyong indibidwal na mababakunahan sa pagtatapos ng taon.
Ayon sa opisyal, naka-depende pa rin sa supply ng bakuna ang pag-abot sa target, dahil patuloy na nagkakaubusan sa pandaigdigang supply.
“Pero ito lahat ay dependent sa global supplies kung darating lahat ng ating mga nai-order na bakuna hanggang sa matapos ang taon para marating natin ito,” ani Vergeire sa panayam ng Teleradyo.
Una nang sinabi ng DOH na target nilang maabot ang “population protection” sa NCR Plus sa pagtatapos ng 2021.
Ibig sabihin, sa pagtatapos ng taon ay dapat mabawasan na ang bilang ng mga nao-ospital at namamatay dahil sa COVID-19, at mas maraming Pilipino na ang nababakunahan.