-- Advertisements --

LA UNION – Patuloy na inaalam ng pulisya ang tunay na motibo sa pagpatay sa isang guro sa harap ng Bacnotan National High School sa La Union kaninang 6:45 ng umaga.

Nakilala ang biktima na si Andrew Glenn Quinto, residente ng Barangay Poblacion sa bayan ng Bacnotan.

Base sa kuwento ng hindi na pinangalanang security guard ng nasabing paaralan, nakatayo lamang ang guro sa labas nang barilin ito ng hindi pa kilalang suspek.

Mabilis na tumakas ang gunman sakay umano ng kulay puting wagon matapos maisakatuparan ang krimen.

Patay na nang madala sa Bacnotan District Hospital ang biktima dahil sa tama ng mga bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Nabatid naman ng Bombo Radyo na si Quinto ay naaresto noong Pebrero ng nakaraang taon sa isinagawang search operation ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office-1 sa bahay nito at nakumpiska ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P27,000.

Kabilang umano ang nasawing guro sa Top 3 regional target ng drug list ng PDEA-Regional Office 1.