-- Advertisements --

KORONADAL CITY- Itinuturing na isang bayani sa bayan ng Makilala, North Cotabato ang isang guro matapos nitong protektahan ang kaniyang mga estudyante sa nagbabagsakang kisame at pader ng kanilang paaralan nitong kasagsagan ng Magnitude 6.6 na lindol na tumama sa malaking bahagi ng Mindanaao.

Kinilala ang nasabing guro na si Gng. Erlinda Ajero na nagtuturo sa Rodero Day Care Center sa Rodero, Makilala North Cotabato kung saan niyakap umano ng nasabing guro ang kaniyang mga estudyante habang lumilindol ngunit nabagsakan ang guro ng pader at bahagi ng kisame ng day care center.

Nanawagan naman ng panalangin ang mga kamag-anak ng nasabing guro para sa mabilis na recovery nito.

Samantala sa kabilang dako, kritikal din ang isang estudyante ng Kidapawan City National High School na si Ara Mae Obispo at isinailalim ngayong araw sa operasyon matapos matumba at mabagok ang ulo nito habang tumatakbo nang mangyari ang malakas na lindol dahil sa panic.

Napag-alaman na na-comatose ang nasabing estudyante at nanawagan ng tulong pinansyal ang kaniyang mga magulang kung saan kasalukuyang naka confine sa isang bahay pagamutan sa Kidapawan City.