-- Advertisements --
Surigao gun dealer

(Update) BUTUAN CITY – Humingi nang dispensa ang hepe ng Surigao City Police Office sa mga kaanak ng kapitan ng Barangay Balibayon matapos itong mapatay sa inilunsad nilang buy bust at entrapment operation sa Purok Million, Amat St., Barangay Taft, Surigao City kahapon.

Ito ay laban umano sa gun dealer na barangay kapitan na si Reneboy Aquino.

Ayon kay Lt. Col Christian Rafols, hepe ng Surigao City Police Station, isinagawa ang operasyon matapos ibinigay sa kanila ng kanilang nahuling drug personality ang contact number ng taong maaari umano nilang mabilhan ng kahit na anumang uri ng armas kaya agad nila itong ibini-verify.

Halos isang buwan pa ang ginawang nilang pag-uusap bago pumayag ang suspek.

Dagdag ni Rafols, huli na nang kanilang malaman na punong barangay pala ang kanilang subject person.

Matapos ang transaksyon ay nakita ng kapitan ang kakilala nitong pulis kaya agad nitong binaril ang katransaksyon na pulis ngunit hindi pumutok ang armas.

At nang akma pa rin sana niya itong bariling muli ay dito na siya na-neutralize ng operatiba na nagresulta sa kanyang agarang kamatayan.

Nakuha sa posisyon ng kapitan ang isang kalibre .45 na siya nitong ibinenta at isang granada na nasa loob ng bag nito.