-- Advertisements --

Nanawagan ang BAN Toxics para sa isang komprehensibong pagsusuri sa pagpapatupad ng Ecological Solid Waste Management Act, kasunod ng muling paglutang at pag-ipon ng basura sa ilang lugar matapos ang matinding pag-ulan.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Thony Dizon, Advocacy and Campaign Officer ng BAN Toxics, sinabi nitong kailangan nang mas mahigpit na ipatupad ang mga probisyon ng batas, partikular ang segregation at source o paghihiwalay ng basura bago ito kolektahin.

Sinabi ni Dizon na isa sa problema ay ang patuloy na paghahalo ng recyclable at iba pang uri ng basura sa pagkolekta, dahilan upang mas mabilis mapuno ang mga landfill.

” Kailangan talaga na mas maging sinsero tayo sa pagbubukod-bukod sa mga panapon natin para kumbaga para ma minimize ang mga nakokolektang basura mula sa ating kabahayan. hindi po ito talaga totally naipapatupad pa halos maliit na porsyento pa lang sa ating bansa ang nagsasagawa nito,” saad ni Dizon.

Giit niya, kailangan ang sistematikong pagpapatupad ng umiiral na batas at dapat dinadala sa landfill ay mga basura lamang na hindi na maaaring i-recycle o gamitin muli.

Nanawagan din ang environmental group ng mas konkretong suporta para sa waste workers, pagbawas sa single-use plastics, at pagpapatupad ng zero-waste approaches.

Tinutulan din ng grupo ang patuloy na pagsusulong ng waste-to-energy (WTE) technologies bilang umano’y solusyon sa krisis sa basura ng bansa.

Para sa kanila, hindi sapat ang pagtugon sa basura kapag nasa “end of the pipe” na ito.

“Even yung mga recyclables ay naisasama natin dun sa ating mga panapon. May mga systemic way para mas maipatupad talaga ang batas na to pero hindi ito yung naging tugon ng ating Pangulo [BBM]. Ang naging tugon ng Pangulo ay nandun sa endpipe which is dahil existing na yung basura, kunin mo nalang yan, ilagay mo, sunugin mo para wala ka ng problema,” dagdag pa nito.