Sinuspindi ng PNP ang lahat ng Permit to Carry Firearms outside of Residence (PTCFOR) sa buong bansa epektibo hatinggabi ng Setyembre 30 hanggang alas-7:00 ng umaga sa Oktubre 9, 2021.
Ayon kay PNP chief Gen. Guillermo Eleazar ang gun ban ay upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang firearm-related incidents sa panahon ng paghahain ng mga kandidato sa 2022 elections ng kanilang mga certificates of candidacy (COC).
Tanging mga miyembro ng PNP, AFP at iba pang law enforcement agencies na naka-official duty at nakasuot ng agency-prescribed uniform ang pahihintulutang magdala ng armas sa mga pampublikong lugar.
Inatasan ng PNP chief ang lahat ng mga police commanders na gawin ang lahat para maipalam sa kanilang area of responsibility ang pagpapairal ng gun ban upang maiwasan ang hindi pagkakaintindihan sa mga responsible gun owners.
Dagdag ng PNP chief, kasabay ng pagpapatupad ng gun ban ang agresibong kampanya ng PNP laban sa loose firearms at private armed groups na maaring magamit sa eleksyon.
Sa kabilang dako, walang naitalang mga untoward incidents ang pambansang pulisya sa unang araw ng paghahain ng certificate of candidacy.
Ayon naman kay PNP Deputy Chief for Operations Lt Gen. Ephraim Dickson simula kaninang umaga hanggang kaninang alas-2:00 ng hapon ay walang na-monitor na mga untoward incidents ang mga security deployment ng PNP, wala rin naitalang mga kilos protesta sa may CCP complex.
Sinabi ni Dickson nasa 2,000 supporters ni presidential aspirant Senator Manny Pacquiao ang nagpakita sa lugar pero agad naman itong nag-disperse.
Siniguro ng heneral na ang kanilang security components ay mananatiling in place 24/7 basis hanggang sa hatinggabi.
Samantala, umapela naman ang PNP sa mga kandidato para sa halalan 2022 na maghahain ng certificates of candidacy na iwasan ang magbitbit ng mga supporters.
Ayon kay Eleazar, kung noon ay hinahayaan ang mala-piyestang mga gawain sa filing ng Certificate of Candidacy, hindi na ito papayagan ngayon dahil nasa gitna tayo ng pandemya.
Paliwanag nya, may mga ibinabang guidelines ang Comelec katulad na lamang sa paglimita sa bilang ng mga kasama ng maghahain ng COC.
Dapat aniyang tiyakin na masusunod ang health protocol upang maiwasan na maging super spreader event ito.