-- Advertisements --

Pinasisilip ni Atty. Rowena Guanzon ang pahayag ng 21-gulang na si Josh Mojica, founder at CEO ng isang kangkong chips products, na idinedeklara ang sarili na isa siyang “bilyonaryo”.

Sa social media post ng binata nakalagay dito ang: “21 years old ‘bilyonaryo na,’ ikaw?”

Umani ito ng iba’t ibang reaksyon at naghayag ng pagdududa, kabilang na si dating Commission on Elections (Comelec) Commissioner Guanzon.

Tinawag ni Guanzon ang pahayag ni Mojica na “peke” at inihalintulad siya kay Edgar “Injap” Sia II, ang may-ari ng isang fast food restaurant na kinikilala bilang pinakabatang bilyonaryo ng bansa sa edad na 34.

“Akala ko, ang youngest billionaire ay may-ari ng Mang Inasal? Ba’t nagke-claime itong si Kangkong?” saad ni Guanzon sa kanyang Facebook post.

Marami pa sa mga netizens ang nagduda sa claim ni Mojica, at nagsabing “ang tunay na mayaman ay hindi nagpapasikat” at tinawag ang post bilang “marketing strategy” o “press release.” May ilan pang nag-komento nang mas malupit tulad ng “fake rich” at “utak kangkong.”

Dahi dito ay hinamon ni Guanzon ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na ”paki-check” aniya ang tax ng 21-gulang na bilyonaryo.

Ilan din ang nagtanong kung nagbabayad ba si Mojica ng tamang buwis sa Bureau of Internal Revenue (BIR).

Kamakailan lamang ay sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ni Mojica matapos niyang mag-video habang gumagamit ng cellphone habang nagmamaneho ng sports car.

Wala pang tugon ang BIR ukol sa request ni Guanzon gayundin ang umano’y pinaka batang bilyonaryo na si Josh Mojica.