-- Advertisements --

Walang malisya sa pagsabi ng dalawang mall goers kay dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon na magtakip ng bibig o umuwi na lamang kung inuubo ito, ayon ‘yan kay Atty. Ephraim Cortez, presidente ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL).

Sinabi pa ni Cortez na kailangan mapatunayan ang malisya kung aakusahan ni Guanzon ang mall goers ng unjust vexation at grave oral defamation.

May karapatan din aniya ang publiko na magpahayag ng pag-aalala, lalo na sa konteksto ng post-COVID-19 society, kung may taong inuubo sa kanilang harapan.

Matatandaan sa kanyang Facebook video, inihayag ni Guanzon na napahiya siya sa sinabi ng dalawang mall goers at kinastigo ang taong kumuha ng viral video, na aniya ay paglabag sa kanyang karapatan sa privacy.

Sa kabilang banda ani Atty. Cortez na ang grave oral defamation ay maling pag-akusa ng krimen o kamalian na may layuning manira, habang ang unjust vexation ay pagsalita na maaaring magdulot ng inis sa isang inosenteng tao.