KALIBO, Aklan—Ikinagalit ng progresibong grupo ang pagbasura ng Korte Suprema sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa interview ng Bombo Radyo, sinabi ni Bayan Panay secretary general Elmer Forro na malaking constitutional question para sa kanila ang pagdinig ng Korte Suprema sa argumento ng kampo ng Pangalawang Pangulo na umano’y isang reklamo lamang sa isang taon para sa isang opisyal.
Malaking palaisipan ito para sa kanila dahil sa nalabag aniya ang separation of powers sa kadahilanan na ang legislative body at judiciary body ay kapwa may kapasidad na hindi dapat makialam sa isa’t isa.
Dagdag pa nito na sana’y hinayaan muna ng Korte Suprema na ipagpatuloy ang kaso at kung hindi talaga nagkasala ang bise presidente ay ang impeachment court na mismo ang magpapasya ngunit dahil sa nakialam ang Supreme Court, sa kanilang pananaw ay magkakaroon ng constitutional crisis.
Nakakatiyak na aniya sila ngayon na wala nang mabubuong impeachment court dahil sa desisyon ng korte suprema para kay Vice President Duterte.
Samantala, umaasa sila na may mabanggit ukol dito si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang nakatakdang State of the Nation Address o SONA sa araw ng Lunes, Hulyo 28, 2025.