Binigyang-diin ng grupo ng mga abugado na Free Legal Assistance Group na walang legal conflict sa pagitan ng impeachment complaint at criminal cases na kasalukuyang kinakaharap VP Sara Duterte.
Maalalang naghain ang National Bureau of Investigation (NBI) ng criminal cases laban kay VP Sara dahil sa nauna niyang pag-amin na may nakausap na siyang papatay kina PBBM, FL Liza Araneta-Marcos, at HS Martin Romualdez, sa sandaling siya (VP) ay papatayin.
Ito ay sa kabila pa ng impeachment complaint na inihain sa Kamara kung saan ang binitawan niyang banta ay isa rin sa mga ginamit na basehan sa inihaing reklamo.
Ayon kay Atty. Audi Bucoy ng Free Legal Assistance Group, ang mga kasong inihain ng NBI ay pawang criminal charges tulad ng inciting to sedition at grave threat. Ang mga ito ay paglabag aniya sa Revised Penal Code ng bansa.
Sa kabilang banda, ang impeachment ay isang constitutional process na nakabase sa public accountability. Ito ay pagbabantay sa accountability o pananagutan ng isang public official.
Giit ng abogado, walang ligal na problema sa sabay na pag-usad ng mga ito, lalo at magkaibang korte rin ang hahawak.
Una nang itinakda ng Department of Justice (DOJ) ang preliminary investigation sa criminal case na kinakaharap ng pangalawang pangulo, sa Mayo 9 at Mayo-16.
Inaasahan namang sisimulan na ng Senado ang pagdinig sa impeachment case laban kay VP Sara pagpasok ng susunod na Kongreso. Ang Senado ang magsisilbing impeachment court na maglilitis sa impeachment case ng pangalawang pangulo.