-- Advertisements --

Nagbabala si Mamamayang Liberal Partylist Rep. Leila De Lima sa posibleng pagwawakas ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kasunod ng pagbibitiw ni ICI Commission Rossana Fajardo.

Ayon kay De Lima, maaaring magdulot ng seryosong epekto sa operasyon ng ICI ang pag-alis ni Fajardo. 

Aniya, posibleng ito na ang simula ng pagtatapos ng komisyon.

Dagdag pa ni Rep. De Lima, mas mainam sana kung naitatag na ang panukalang batas ang Independent Commission Against Institutional Corruption (ICAIC) upang masiguro ang tuloy-tuloy at mas matibay na kampanya laban sa katiwalian.

Inihayag ni De Lima kung naisa batas na ang ICAIC ay sana ang mga mahahalagang dokumento na hawak ng yumaong DPWH USec. Catalina Cabral ay na secure na sana.

Sa pagkamatay ni Cabral, sinabi ni De Lima maraming katanungan ang dapat sagutin.

Dahil dito isang resolusyon ang inihain ng ilang minority law makers sa Kamara para imbestigahan in aid of legislation ang circumstances sa pagkamatay ni Usec. Cabral.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña na ang sunod-sunod na pagbibitiw ng mga komisyoner ay maaaring magdulot ng tuluyang paghina ng ICI. 

Aniya, dapat sana ay naitatag na ang Independent Commission Against Institutional Corruption (ICAIC) bilang mas matibay na mekanismo laban sa katiwalian.

Sa kaniyang post sinabi ni Cendanan na,” imbes na mga ulo ng mga korap ang napapanagot, puro resignation ang ibinibigay sa atin. Dalawa na sa tatlong komisyoner ang umalis.

Dagdag pa ni Cendana, ang pagbibitiw nina Fajardo at dating DPWH Sec. Rogelio Singson, sa kabila ng kanilang suporta sa ICAIC Bill, ay nagpapakita umano ng mga kakulangan sa kasalukuyang istruktura ng ICI.

Samantala, nagpasalamat  naman si Ako Bicol Saro Partylist Representative Terry Ridon kay Commissioner Rossana Fajardo sa kanyang naging serbisyo sa Independent Commission for Infrastructure (ICI).

Ayon kay Ridon, malaki ang naging papel ni Fajardo sa pagtutulak ng mga kasong isinampa laban sa ilang personalidad na sangkot umano sa anomalya sa flood control projects. 

Dagdag niya, ang naging trabaho ng komisyoner ay mahalaga sa pagbubunyag ng katiwalian sa pamahalaan.

Gayunman, nanawagan si Ridon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr na magtalaga agad ng mga kapalit nina Fajardo at dating Commissioner Rogelio “Babes” Singson upang matiyak na hindi maaantala ang operasyon ng ICI sa pagsisimula ng bagong taon.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang Malacañang hinggil sa agarang pagtatalaga ng mga bagong komisyoner.