-- Advertisements --

Isang grupo na nagpakilalang “former loyalists” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng kanyang ama ang naghayag ng suporta para sa posibleng tambalang Vice President Sara Duterte at dating Ilocos Sur governor Chavit Singson sa 2028 national elections.

Sa isang press conference, sinabi ng tinaguriang Sara-Chavit 2028 Nationwide Movement na agad silang nagkaisa matapos ang anunsyo ni Sara Duterte na tatakbo siya sa pagkapangulo sa 2028.

Ayon sa grupo, naniniwala silang kaya ni Duterte na dalhin ang kanyang karanasan bilang dating mayor ng Davao City sa mas malawak na pamamahala sa pambansang antas, partikular sa usapin ng ekonomiya, kapayapaan at kaayusan, at kaunlaran.

Iminungkahi rin ng grupo si Singson bilang posibleng katambal ni Duterte sa pagka-bise presidente, na anila ay may “kakayahan at karanasan” sa serbisyo publiko, batay sa kanyang naging pamumuno sa Ilocos Sur.

Gayunpaman, inamin ng grupo na hindi pa nila pormal na napag-uusapan ang endorsement kay Singson at wala pa ring direktang komunikasyon sa kanya hinggil sa naturang plano.

Nauna nang sinabi ni VP Sara na mayroon na siyang napiling running mate, ngunit hindi pa niya ito inilalantad upang maprotektahan umano sa pulitika.