Nagbabala ang mga civil society groups na ang korapsyon ay maaaring magpahina sa kakayahan ng Pilipinas na maipatupad ang mga programang kailangan upang matamo ang mas mataas na climate targets.
Napagalaman na pinanukala ng gobyerno ang isang unconditional target na 10% hanggang 20% na bawas sa greenhouse gas emissions, mas mataas kaysa sa 2.71% na nakasaad sa kasalukuyang Nationally Determined Contribution (NDC) ng bansa.
Ang bagong target ay iprinisenta sa mga grupo noong Disyembre 3 sa isang plenary session, ngunit may mga grupo na nagreklamo na wala silang sapat na konsultasyon tungkol dito.
Ayon sa panayam ng Aksyon Klima Pilipinas (AKP), ang mas mataas na target ay nangangailangan ng malaking pondo para sa implementasyon, kaya’t walang puwang para sa pagkakamali, lalo na ang dulot ng korapsyon sa bansa.
Nabatid na ang Pilipinas, ay parte ng Paris Agreement, at kinakailangang magsumite ng mga NDC para sa pagbawas ng greenhouse gas emissions. Ang bagong target ay nangangailangan din ng mas malaking mobilisasyon tulad ng yaman ng bansa, habang ang mga conditional targets ay nakadepende sa tulong mula sa international community.
Ngunit nababahala ang mga grupo tulad ng Center for Energy, Ecology, and Development (CEED) sa kakulangan ng makatarungang konsultasyon. Dahil hindi pa umano kasi ibinibigay ng gobyerno ang buong draft ng NDC at mga pagsusuri sa likod ng mga bagong target.










