Umaasa si dating Senator Richard Gordon na babalikan ng bagong Ombudsman ang kaso ng Pharmally scandal na unang siniyasat ng Senado noong Blue Ribbon Committee Chair pa siya.
Nangyari ito sa huling bahagi ng termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Gordon, napakalinaw ang kasalanan ng dating Pangulo na nabunyag sa kanilang serye ng imbestigasyon habang mismong ang Pangulo rin ang umamin sa kaniyang mga kasalanan tulad ng pagpapalipat ng pera patungo sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM), ang opisinang responsable sa pagbili ng overpriced medical supplies mula sa Pharmally Pharmaceutical Corporation, gamit ang bilyun-bilyong pisong kontrata.
Inamin din aniya ni Duterte na siya ang nag-appoint ng mga personnel sa PS-DBM, habang ipinagtatanggol din niya ang kaniyang dating economic adviser na si Michael Yang, ang negosyanteng nagsilbing financier at guarantor para sa Pharmally.
Para kay Gordon, kung babalikan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang naturang kaso ay sapat na ang report ng Senate Blue Ribbon Committee na kaniyang inilabas noong 2021. Bagaman maraming Senador ang hindi pumirma sa naturang report, maaari aniyang gamitin ang lahat ng mga testimoniya dahil pawang nagsalita ‘under oath’ ang mga testigo at resource person sa isinagawang pagdinig.
Naniniwala si Gordon na naging malakas lamang ang loob ng mga dawit sa Pharmally scandal noon, kasama ang Pharmally executives dahil sinusuportahan sila ni dating Pangulong Duterte, kaya’t napapanahon na aniya upang usigin ang lahat ng mga sangkot dito, kasama ang dating Chief Executive.
Nanindigan si Gordon na ang dating Pangulo ay mahalagang bahagi o elemento ng nangyaring sabwatan para nakawan ang bansa ng mula P11 billion hanggang P47 billion sa ilalim ng iskandalong bumabalot sa Pharmally issue.
Maaalalang bago tuluyang matapos ang termino ni dating Pang. Rodrigo Duterte ay ilang beses nitong binanatan si dating Sen. Gordon ngunit ayon sa dating Senador, masaya siyang inaatake siya habang ginagawa niya ang kaniyang trabaho.