-- Advertisements --

Pasok na sa semifinals ng western conference ang Golden State Warriors matapos pataubin ang Houston Rockets sa Game 7, 103 – 89.

Bagaman nakipagsabayan ng Rockets sa kabuuan ng laban, tanging ang 3rd quarter ang nagawa nitong duminahin, kung saan ipinoste nito ang mahigpit na depensa at nilimitahan ang Warriors sa 19 points sa loob ng 12 mins, habang ipinasok nito ang 23 big points.

Hawak kasi ng GSW ang 12-points 1st half lead, kaya’t bumaba ito sa walong puntos sa pagtatapos ng 3rd quarter.

Gayunpaman, gumana ang 4th quarter scoring run ng GS sa pangunguna ng tatlong shooter na sina Buddy Hield, Jimmy Butler, at Stephen Curry.

Sa kabuuan, kumamada si Hield ng 33 points at nagpasok ng 9 na 3-pointer, gamit ang 80% overall field goal percentage. Bagaman inalat sa 1st half, nagawa pa rin ni Curry na kumamada ng 22 points, 10 rebounds, 7 assists, 2 steal, at dalawang blocks. Sa kaniyang 22 points, 19 dito ang naipasok niya sa 2nd half.

Panibagong all-around performance din ang ginawa ni Butler sa kaniyang 20 points, 8 rebounds, at pitong assists.

Hindi naman naging sapat ang 21 points at 14 rebounds na ginawa ni Rockets bigman Alperen Sengun, para maisalba ang kaniyang koponan, kasama ang 24 points ng bagitong forward na si Amen Thompson.

Tinukoy naman ni Stephen Curry ang magandang koordinasyon sa pagitan ng mga Warriors player sa Game 7 bilang susi ng kanilang panalo.

Para kay Warriors guard Buddy Hield, naging sandalan niya ang confidence ng kaniyang mga team mate. Marami sa mga field goal na kaniyang nagawa aniya ay mula sa assists ng kaniyang mga team mate, bagay na nagpapakita ng kanilang confidence sa kaniyang kakayahan.

Sa 2nd round, haharapin ng GSW ang Minnesota Timberwolves na ilang araw na ring nakakapagpahinga kasunod ng maagang pagdispatsa sa Los Angeles Lakers sa loob lamang ng limang game. Nakatakda ang laban sa pagitan ng dalawa sa May-7 sa homecourt ng Minnesota.