Tiniyak ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na may sapat na supply ng kuryente sa kabila ng nagbabantang dry spell o tagtuyot na posibleng maka-apekto sa mga hydroelectric plants sa bansa.
Ayon kay Energy Undrsecretary Felix William Fuentebella, may sapat na suplay sa kuryente para ma meet ang demand, pero ang kulang sa ngayon ay ang reserve na power supply.
“Iyong reserves po kasi covered iyan ng ancillary services. So, iyon po iyong minsan, sabihin noong isa, hindi kami pinayagan ng regulator, mga ganyan. But at the end thing, they have to, we have to contract the reserve requirement, kung ano po iyong obligasyon natin,” paliwanag ni Fuentebella.
Sinabi ni Fuentebella na batay sa forecast ng Department of Energy (DOE) nakikita nila ang pagnipis ng electricity reserve, ibig sabihin nakamit na ng bansa ang kaukulang demand, kaya kailangan mag secure ng dagdag na 4 percent reserve sa demand at kailangan din iregulate ang reserve requirement.
Siniguro ng opisyal ng DOE na kanilang sinusubaybayan ang kondisyon ng Luzon, lalo na ang supply at demand ng kuryente nito dahil ang mga hydropower plants sa rehiyon ay karaniwang nagsasagawa ng preventive maintenance na maaaring makaapekto sa supply ng enerhiya.
“So, iyong hydropower plants natin kadalasan nagpi-preventive maintenance so nababawasan iyong mga plantang umaandar,” pahayag ni Fuentebella.
Para maiwasan ang anumang power interruption, balak ng DOE na magpatupad ng mga habkang na layong matiyak na may sapat na power supply sa pakikipagtulungan ng ibat ibang sektor.
Isa sa mga hakbang na nakikita ng DOE ay ang pag-iwas sa pag-aaksaya ng enerhiya tulad ng paggamit ng cooling system tuwing tag-araw.
Ang isa pang hakbang ay ang pagpili at paggamit ng mga gadget at appliances na matipid sa enerhiya upang mabawasan ang pagkonsumo ng enerhiya.
“What we are saying is do not be wasteful in the use of energy. So just like here, we use cooling, and then sa movement ng hangin, ang ginagamit ay electric fan. This is a perfect example of energy efficiency,” he added.
Binigyang-diin ni Fuentebella na kapag lumala ang energy situation ng bansa at umabot na sa “red area” ang reserve walang magagawa ang ahensiya kundi magpatupad ng brownout.
“Tinitingnan natin kung ano iyong pinaka-energy efficient na diskarte ng isang opisina at tama nga, more than 50 percent iyong natipid ng office sa kuryente at iyong mga empleyado nakaka-save ng around 20 percent sa gasoline expenses kung sila ang nagda-drive papunta sa kanilang opisina. So iyan iyong isa pa sa mga tinitingnan ng Department of Energy,”pahayag ni Fuentebella.