Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na walang patid ang magiging hakbang ng kanyang administrasyon upang solusyunan ang kakulangan sa pabahay at mabigyan ng maayos na tirahan ang libu-libong pamilyang Pilipino.
Sa pamamagitan ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program (4PH), binigyang-diin ng Punong Ehekutibo na mas magiging abot-kaya para sa mga ordinaryong mamamayan ang magkaroon ng sariling bahay.
Ito ay bunsod ng ipinapatupad na subsidized interest rates ng pamahalaan na nasa 1 hanggang 3 porsyento lamang.
Base sa ulat ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), iba’t ibang opsyon ang iniaalok sa ilalim ng programa upang umangkop sa kakayahan at pangangailangan ng mga benepisyaryo.
Kabilang na rito ang mga vertical housing facilities at mga house-and-lot packages.
Upang personal na makita ang pag-usad ng programa, bumaba mismo ang Pangulo sa mga komunidad sa Gitnang Luzon para kumustahin ang mga pamilyang nakatanggap ng pabahay.
Kabilang sa mga ininspeksyon ng Punong Ehekutibo kamakailan ay ang isang housing project sa probinsya ng Pampanga, pati na rin ang Palayan Township project sa Nueva Ecija.
Ang naging interaksyon ng Pangulo sa mga benepisyaryo ay ibinahagi rin sa kanyang pinakabagong vlog upang iparating sa publiko ang mga benepisyo ng nasabing inisyatibo.
















