Nakauwi na sa kaniyang bansa ang Ghanaian footballer matapos ang dalawang buwna na pananatili nito sa paliparan ng India matapos maabutan ng coronavirus lockdown.

Kuwento ni Randy Juan Muller, na nagtungo ito sa India noong Nobyembre 7 para sa anim na buwang kontrata sa paglalaro ng soccer para sa ORPC Sports Club sa Kerala, south India.

Matapos ang pagkalat ng coronavirus ay nag-book agad ito ng flight pabalik sa Ghana noong Marso 30.

Nagtungo na ito sa Mumbai isang linggo bago ang kaniyang flight para hindi nito maabutan ng lockdown noong Marso 21.

Dahil sa walang kakilala ito sa lugar at kulang na rin ang kaniyang pera ay humingi ito ng tulong sa police.

Pinayuhan siya ng mga kapulisan na matulog na lamang ito sa airport.

Matapos ang tatlong araw ay inanunsiyo na ni Indian Prime Minister Narendra Modi ang 21-day nationwide lockdown kung saan walang mga international flights ang palabas at papasok sa bansa.

Nagdesisyon na lamang si Muller na doon na sa Chhatrapati Shivaji Maharaj International Airport matulog hanggang matanggal na ang lockdown.

Pinuri aniya nito ang mga tao sa lugar dahil sa pagiging mabait ng mga ito sa kaniya kung saan binibigyan ito ng pagkain.

Sinubukan din nitiong tawagan ang Ghanaian Consulate sa Mumbai subalit limitado rin aniya ang kanilang magagawa dahil sa lockdown.

Dahil na rin sa pagkabahala ay humingi na ito ng tulong sa pamamagitan ng pagpost ng apila sa Twitter at nabasa ito ng local journalist kung saan tinawagan nito ang atensiyon ang tourism at environment minister ng India na si Aaditya Thackeray na siya ring pangulo ng Mumbai District Football Association bukod pa sa pagiging anak siya ng Chief Minister ng Mumbai na si Uddhav Thackeray.

Matapos ang ilang oras ay dinala si Muller sa isang hotel at doon nanatili hanggang magkaroon na ito ng flight pabalik na ng Ghana.