CAUAYAN CITY – Mariing itinanggi ng general manager ng ISELCO 2 ang pagdawit sa kanya sa pagpatay kay internal audit manager Agnes Palce.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni General Manager David Solomon Siquian ng ISELCO 2 na hindi umano niya alam kung bakit siya nadawit kasama si Board of Director Michael Paguirigan sa naturang krimen.
Itinanggi din ni Siquian ang mga lumalabas na isyu na mayroong natuklasan si Palce na anomalya sa loob ng ISELCO 2 na naging sanhi ng pagpatay sa kanya.
Inihayag pa ni Siquian na naghain sa siya ng leave of absence upang bigyang daan ang imbestigasyon sa sinasabing anomalya at malinis ang kanyang pangalan.
Sinabi ni Siquian na hindi niya alam kung ano ang motibo at idinawit siya ng mga sinampahan ng kasong murder na gunman na si Barry Bulan at pinsan na si Jervy Bulan kapwa residente ng Calamagui 1st, lungsod ng Ilagan.
Ayon kay Siquian naglabas siya ng statement upang iparating sa pamilya Palce ang kanyang pakikiramay at binigyan diin nito ang kanyang pagdadalamhati at walang kinalaman sa krimen.
Sinabi ni Siquian na sa ngayon ay wala pa siyang natatanggap na subpoena ngunit sakaling matanggap nito ay nakahanda niyang sagutin at humarap sa hukuman.