-- Advertisements --

Nasa P100 billion sa kabuuan ang posibleng gugulin ng gobyerno sa pag-angkat ng COVID-19 vaccine.

Sinabi ni Presidential Spokesman n Harry Roque, ito ay kung isasama ang gagastusin sa logistics gaya ng delivery hanggang pag-iimbakan o cold storage facility ng bibilhing bakuna na manggagaling sa ibang bansa.

Ayon kay Sec. Harry Roque, sa vaccine purchase pa lamang ay papalo na sa P73 billion na ang inilalaang budget ng pamahalaan na huhugutin sa iba’t ibang sources.

Hindi naman daw puro utang ang panggagalingan ng pagbili ng bakuna dahil mayroon nang naitabing P12.5 billion.

Maliban pa dito ang P2.5 billion na nasa 2020 budget habang mayroon pang-reserve na makukuha sa pondo ngayong taon.

“Well tama po iyan pero hindi naman po lahat uutangin ‘no kasi mayroon talaga tayong—mayroon na tayong nai-budget na 12—actually 12.5 billion po iyan – iyang 2.5 na nasa pantaunang budget tapos mayroon pa tayong reserve from that existing 2020 budget na pupuwedeng gastusin. Pero ito ang sabi ni Secretary Dominguez gagamitin natin para sa peripherals ‘no – iyong mga injection, iyong mga logistics para talagang iyong 73 billion eh para lang doon sa pambili ng bakuna. So ang sumatotal diyan actually is halos 100 billion din iyan kung isasama mo iyong peripherals at saka logistics, iyong pagdi-deliver at pagbibigay ng bakuna sa lahat,” ani Sec. Roque.