Binatikos ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon sina Senator Alan Peter Cayetano at Senator Rodante Marcoleta kaugnay ng mga alegasyong iniharap sa Senado ng tinaguriang “maleta boys,” na aniya’y bahagi lamang ng isang “scripted” na operasyon upang ilihis ang atensyon ng publiko.
Sa isang video statement na inilabas nitong Linggo, sinabi ni Gadon na malinaw umanong layunin ng grupo ni Cayetano sa hawakan ang liderato ng Senado upang pigilan ang pag-usad ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Gadon, maraming iregularidad ang kanyang napansin sa naging pagdinig ng tinawag niyang “bogus” na Blue Ribbon Committee na pinangunahan umano ni Marcoleta noong Hunyo 4. Aniya, kapansin-pansin na tila may nakahandang script ang mga testigo at maging ang mga tanong na ibinabato sa kanila ay pawang leading questions lang umano.
“Halatang-halata na scripted ang buong pagdinig. Nagkakamali pa sila sa mga detalye tulad ng mga lugar, pangalan, at mga taong sinasabing sangkot,” ani Gadon.
Tinukoy rin ng kalihim ang hindi pagbanggit ng dating mga sundalo sa mga pangalan nina Senator Loren Legarda at Senator Mark Villar bilang umano’y nakatanggap din ng maletang pera sa kanilang unang affidavit. Ayon kay Gadon, tila hindi na muling natalakay noon sa pagdinig ng Cayetano-led bloc.
Iginiit din ng opisyal na ang naturang pagdinig ay isang pagtatangka upang ilihis ang atensyon mula sa impeachment proceedings laban kay Sara Duterte.
“Sa dami ng ebidensya at mga testigo laban kay VP Sara, malinaw na may mga grupong nais harangin ang proseso at mapawalang-sala siya bago pa man ito umusad,” pahayag ni Gadon.
Sa kabila ng kanyang mga alegasyon, wala pang opisyal na tugon sina Cayetano at Marcoleta hinggil sa mga pahayag ng kalihim.
Bukas naman ang Bombo Radyo para sa panig ng dalawang senador.
















