-- Advertisements --

Inaprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang ilang measures para matiyak na walang sagabal sa pamamahagi cash assistance sa mga low-income households habang nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila at karatig-lalawigan.

Ginawa ng IATF ang pag-apruba kahapon alinsunod sa rekomendasyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang pangunahing ahensyang namamahagi ng Social Amelioration Program (SAP).

Nakapaloob sa dokumento na ang mga partner financial service providers ay pinapayagan ng full capacity imbes na 50 percent lang sana habang lahat ng kanilang empleyado ay malayang makabiyahe o makalabas ng bahay para makapagtrabaho.

Ang mga SAP beneficiaries na hindi subject ng restrictions ay papayagan namang makalabas sandali para makuha ang cash aid.

Iniulat ng DSWD na 72.4 percent o 10.2 million ng 14.1 million target beneficiaries ay nakatanggap na ng ikalawang tranche ng cash assistance at target ng ahensya na makompleto ang distribusyon sa kalagitnaan ng Agosto.