-- Advertisements --

Kinumpirma ng militar ng France na napagbagsak nito ang umano’y drone mula sa Iran na tatarget sa bansang Israel sa kabila ng umiiral na ceasefire deal sa pagitan ng dalawang bansa.

Ayon kay France defense minister Sebastien Lecornu, aabot sa sampung drones ang kanilang napabagsak kasabay ng isinagawang military operation ng Islamic Republic ng Iran laban sa Israel.

Ginawa ng opisyal ang pahayag kasabay ng isinagawang parliamentary debate hinggil sa kasalukuyang sitwasyon sa Gitnang Silangan.

Sinabi ni Lecornu na nagpalipad ang Iran ng mga 400 ballistic missiles at 1,000 drone patungo sa Israel sa loob ng 12 araw na labanan.

Una nang inatake ng Israel ang Iran na layong sirain ang kanilang nuclear capabilities. Napatay rin ang senior echelon ng militar ng Iran at ilang nuclear scientists.

Batay sa datos ng mga otoridad ng Iran, aabot na sa 610 katao ang nasawi habang nasa halos 5000 ang naitalang sugatan sa kanilang bansa.

Bilang tugon ay naglunsad naman ng retaliatory missile ang Tehran sa Israel na ikinasawi ng nasa 28 katao at ikinasira ng daan-daang gusali sa Israel .