-- Advertisements --

Nagdeklara na si Ukrainian President Volodymyr Zelensky ng general military mobilization para depensahan ang kanilang teritoryo sa gitna ng nagpapatuloy na pag-atake ng Russia.

Ayon kay Zelensky, 137 Ukrainians na mga sibilyan at sundalo na ang namatay habang 316 ang sugatan sa unang araw ng pag-atake ng Russia.

Ngayong araw, nilagdaan ni Zelensky bilang supreme commander-in-chief ng armed forces of Ukraine ang isang decree para pakilusin ang buong pwersa ng mga mamamayan nito kabilang na ang mga drafted at reservists na idedeploy sa Kyiv at sa mga pangunahing lungsod ng Ukraine.

Epektibo ang naturang full military mobilization sa loob ng 90 araw.

Idedeploy din ang mga sasakyan para magamit ng Armed Forces of Ukraine, National Guard of Ukraine, Security Service of Ukraine, State Border Guard Service of Ukraine, State Special Transport Service, State Service for Special Communications and Information Protection of Ukraine, at iba pang military formations ng Ukraine.

Sa video address ni Zelensky sinabi nito na mag-isang nakikipaglaban ang Ukraine para depensahan ito laban sa Russia.

Aniya, walang handang tumulong sa kanilang bansa at lahat ay takot na bigyan ng suporta mula sa NATO.

Sa kabila nito, ipingako ng Ukrainian leader na patuloy na ipagtatanggol ang kanilang bansa.