Nakatikim na ng panalo ang Philippine Azkals matapos nilang itumba ang Guam, 4-1, sa 2022 FIFA World Cup Qualifiers nitong Martes sa GFA Centre Lower Field sa Dededo, Guam.
Dahil dito, nakabawi na ang Azkals mula sa pagkabigo nila sa opening game sa kamay ng Syria.
Sinipa ni Angel Guirado ang unang puntos ng mga Pinoy sa ikaanim na minuto matapos ikonekta ang cross mula kay captain Stephan Schrock.
Nadoble naman ang abante ng Azkals sa ika-12 minuto nang maipasok ni Patrick Reichelt ang through ball, 2-0.
Naging mas agresibo ang Guam sa second half kung saan nabigyan sila ng pagkakataon na makaiskor sa pamamagitan ng spot kick ni Marcus Lopez sa 67th minute.
Ngunit hindi hinayaan pa ng Azkals na makaporma ang Guam makaraang itala ni Schrock ang kanyang unang goal sa World Cup qualifiers makalipas ang apat na minuto.
Nakalayo lalo ang mga Pinoy nang irehistro ng midfielder na si John Patrick Strauss ang ikaapat na puntos ng Azkals sa ika-81 minuto.
Sunod na haharapin ng Pilipinas ang China sa Oktubre 15 sa lungsod ng Bacolod.