-- Advertisements --

Kahit nakabinbin pa sa korte ang kasong estafa na isinampa sa kanya, lumipad na umano palabas ng bansa nitong Enero ang isang opisyal na Hapones ng Fujifilms Philippines.

Dahil dito, matitigil ang paglilitis sa kanyang kaso.

Si Ryu Nagaoka, kasama ang iba pang matataas na opisyal ng Fujifilms Philippines at Fujifilms Singapore na sina Evan Reyes, Anil Jacob John, John Paul Camarillo, Dihesh Mehra, Atul Agrawal, and Erik Koh ay kasalukuyang nahaharap sa kasong estafa na isinampa ng piskalya ng Pasig sa Regional Trial Court ng nasabing lungsod, Branch 157.

Nag-ugat ang kaso sa demanda ng Sunfu Solutions Inc. na inihain sa piskalya ng Pasig laban sa mga opisyal ng Fujifilms dahil sa alegasyong panlilinglang na isinagawa ng huli nang mag-isyu ito ng First Tier Certificate sa Sunfu Solutions na nagbigay awtoridad dito na i-distribute ang medical equipment ng Fujifilms para sa bid ng Sunfu Solutions sa OFW Hospital and Diagnostic Center sa Pampanga.

Sa pag-aakalang totohanang susuportahan ng Fujifilms ang bid nito, inasikaso at ginastusan umano nang todo ng Sunfu Solutions ang pag-bid sa medical equipment na kakailanganin ng nasabing ospital. Subalit taliwas sa akala ng Sunfu, lumabas kalaunan na kunwa-kunwarian lamang ang todo-suportang ipinangako ng Fujifilms sapagkat nag-isyu din ito ng kaparehong First Tier Certificate sa isa pang kompanyang kalaban ng ng Sunfu Solutions sa bid sa OFW Hospital.

Ipinahayag ng Sunfu Solutions na sadyang nagsinungaling at nanlinlang ang Fujifilms nang sinabi nitong sa Sunfu lamang silang mag-iisyu ng First Tier Certificate, na siya namang kalakaran sa industriya at siya ring naganap sa mga naunang transaksiyon ng dalawang kompanya.

Iginiit ng Sunfu na ang nangyaring pagpapanggap o pagkukunwari, na ginawa bago o kasabay ng panlilinlang, ay nalantad nang mag-isyu ng First Tier Certificate ang Fujifilms sa isa pang bidder. Nang matunugan ito ng Sunfu Solutions , agad itong humingi ng paliwanag sa Fujifilms.

Sa simula ay tila pina-asa pa raw ng Fujifilms ang Sunfu Solutions, nang sabihin ni Anil John na hindi dapat mag-alala ang huli sapagkat “susuportahan namin ang sinomang bidder na may mas malaking tsansa na manalo”.

Sa kalauanan ayon sa Sunfu Solutions, inamin din ni Evan Reyes ang kalkuladong pagmamanipula ng mga opisyal ng Fujifilms at nang tahasang payuhan nito ang Sunfu Solutions na “kinompirma na namin sa DOLE na isang dealer lamang ang aming susuportahan (ang kabilang dealer)”.

Nang banggitin ito ni Reyes, wala nang duda sa Sunfu Solutions na nilinlang sila ng mga opisyal ng Fujifilms na magbuhos ng oras at pera sa pagbid na wala palang kahahantungan sapagkat wala namang plano kailanman ang Fujifilms na suporthan ang bid nito.

Dismayado man, determinado namang nagsampa ng kasong estafa ang Sunfu Solutions laban sa mga responsableng opisyal ng Fujifilms.

Matapos ang preliminary investigation, pinanigan ng piskalya ang mga alegasyong suportado ng ebidensiya at argumento ng Sunfu Solutions laban sa mga depensa ng Fujifilms na nakasalalay sa argumento nito na hindi ekslusibo ang First Tier Certificate na inisyu pabór sa Sunfu Solutions.

Naghain kung gayon ng kasong estafa ang piskalya sa Regional Trial Court, sa paninindigang nanloko ang mga opisyal ng Fujifilms sa pamamagitan ng mapanlinlang na pagtatago o pagkukubli sa tunay nitong balak na ibang bidder ang manok nito.

Subalit sa paglikas ni Nagaoka sa bansa, hindi na aarangkada ang kaso laban sa kanya sapagkat ipinagbabawal ng batas ng Pilipinas ang paglilitis ng akusado kung hindi pa ito nababasahan sa korte ng habla at hindi pa nai-rerekord ang kanyang sagot kung inaamin niya o hindi ang paratang. Hindi naman mai-implement sa ibang bansa ang warrant of arrest na maaaring ipalabas ng korte.

Hanggang ngayon, tahimik ang mga kapwa akusado ni Nagaoka o ang kanilang abogago kung totoo ang report na umalis na nga ng Pilipinas ang Hapones.

Sa kasalukuyan, nakabinbin pa rin sa RTC ang kasong estafa samantalang sa kaakibat na kasong sibil para sa danyos na isinampa ng Sunfu laban sa Fujifilms ay nagsimula nang magpresenta ng testigo ang Sunfu Solutions.