Nilinaw ni International Criminal Court (ICC) assistant to counsel Atty. Kristina Conti na hindi pa pumayag ang prosecution sa kahilingan ng kampo ni dating Pang. Rodrigo Duterte na interim release o pansamantalang paglaya.
Maalalang sa initial request ng defense team noong June 12, 2025 ay nakasaad na hindi kinontra ng ICC prosecution ang kahilingang magawaran ng interim release ang dating pangulo kaya’t tuluyan nila itong hiniling sa international court.
Pero giit ni Atty. Conti, walang nangyaring kasunduan.
Sa halip aniya ay nagkaroon lamang ng pag-uusap o initial talks ngunit hindi pa ito isinapinal bago tuluyang naglabas o naghain ng request ang defense panel.
Paliwawanag pa ng abogado, mayroon ding tinukoy na bansa na maaaring pagdalhan sa dating pangulo, sa inisyal na pag-uusap ngunit nagulat na lamang aniya ang prosecution noong biglang pinalitan o iniba ang target na bansa.
Samantala, bagaman hindi pa hinihingi ng ICC sa kampo ng mga biktima na magbigay ng komento sa kahilingan ng defense panel, nakikipag-ugnayan na aniya ang mga ito sa Office of Public Counsel for Victims (OPCV) para tuluyang isumite ang kanilang pananaw at alalahanin ukol sa interim release request ng dating pangulo.
Ang OPCV ay isang independent office sa ICC na siyang tumatayong temporary representative ng mga biktima.
Giit ang abogado, hinihintay na lamang nila ang official communication ng OPCV at sa oras na hilingin ang komento ng mga biktima ay nakahanda na aniyang ipadala ang kanilang komento at kasagutan.
Ayon kay Atty. Conti, patuloy ang paghahanda ng panig ng mga biktima para sa nalalapit na trial para sa dating pangulo.