-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Magsasagawa ang national government ng expanded nutrition survey sa susunod na taon upang malaman ang bilang nga mga Pilipinong nakaranas ng gutom.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles na siya ring chairman ng Task Force Zero Hunger, hinihintay pa ang survey ng Social Weather Stations na posibleng ilabas ngayon buwan.

Noong nakaraang buwan ng Setyembre, lumabas sa survey ng SWS na tumaas sa 7.6 million ang mga Pilipino na nakaranas ng gutom dahil sa COVID pandemic.

Ang Task Force Zero Hunger ayon kay Nograles ay may target na mawala ang incidence of hunger hanggang 2030 bilang pagsunod sa commitment ng Pilipinas sa United Nations.

Sa ilalim ng Pilipinas Kontra Gutom na private-public collaboration, lahat ng mga rehiyon ang sakop nito ngunit binibigyan ng prayoridad ang may mataas na prevalence ng mga batang bansot na nagpapakita na kulang sila sa sustansya.

Nagpasalamat naman si Nograles sa pribadong sektor na nakibahagi sa nasabing kolaborasyon.

Sa pamamagitan ng expanded nutrition survey ayon kay Nograles, makikita ang mga lugar ng apektado ng COVID pandemic, gutom at food insecurity.