LAOAG CITY – Hindi sang-ayon si Prof. Cielo Magno, dating Undersecretary ng Department of Finance sa paglilipat ng pondo mula sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) patungo sa Department of Finance.
Aniya, mariin niyang tinututulan ang mga aksyon ni Department of Finance Sec. Ralph Recto para sa pagkuha sa pondo ng PhilHealth kung saan nakakuha na siya ng P30 bilyon.
Ito aniya ang ikalawang tranche at magkakaroon ng panibagong tranche sa Oktubre na may 30 bilyong piso na may kabuuang 89.9 bilyong piso.
Ipinaliwanag niya na ayaw niya ang hakbang na ito ni Sec. Recto dahil walang probisyon sa batas na maaaring kunin ang pondo ng PhilHealth para sa ibang programa ng gobyerno.
Sabi niya, kulang ang pondo para sa mga infrastructure projects ng gobyerno dahil inuuna ng Kongreso at Senado ang pork barrels at pet projects.
Dahil dito, sinabi ni Prof. Magno na ang pondo ng PhilHealth ay napunta sa mga flood control projects at sa pagkukumpuni ng mga nasirang kalsada sa halip na mga programang makikinabang ang masa.
Kaugnay nito, ibinunyag niya na kung magpapatuloy ito ay nagpapakitang hindi na epektibo ang gobyerno sa paghahatid ng serbisyo publiko at lalo pang tataas ang katiwalian sa bansa.
Samantala, panawagan ni Prof. Magno kina House of Representatives Speaker Martin Romualdez at Senate President Chiz Escudero na ang bicameral meeting ay i-livestream para malaman ng lahat ang pagbusisi sa mga pondo ng gobyerno.