Ipinatatawag na ng Department of Justice (DoJ) para sa isasagawang preliminary investigation sina dating Senator Antonio Trillanes IV at tatlong iba pa dahil sa mga reklamong kidnapping at serious illegal detention na inihain ng Davao-based businesswoman.
Ito ay may kinalaman sa umano’y sapilitang pagkuha sa negosyanteng si Guillermina Barrido alyas Guillermina Arcillas ng grupo ni Trillanes para tumestigo kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa iligal na droga.
Sa salaysay ni Guillermina Barrido alyas Guillermina Arcillas, ikinulong umano siya sa isang kumbento sa Makati City at Quezon City sa loob ng dalawang linggo para makapaghanda sa pagpirma ng affidavit na naglalaman ng seryosong alegasyon laban kay Duterte at pamilya nito.
Trinato raw siya na parang bilanggo nina Fr. Albert Alejo, Atty Jude Sabio at Trillanes sa kumbento ng Cannussian Sisters sa Makati City at Holy Spirit Convent sa Quezon City.
Una raw siyang dinala sa Convent of Cannussian Sisters noong December 6, 2016 ni Father Alejo at Sabio na sumundo raw sa kanya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nang siya ay dumating mula sa General Santos City.
Habang nasa Cannussian ay pinagbawalan daw siyang umalis.
Makalipas ang tatlong araw ay inilipat daw siya sa Holy Spirit Convent sa Quezon City matapos siyang makipag-usap sa isang madre sa Cannussians.
Pinagalitan pa raw siya ni Sister Ling nang sagutin niya nang “ambot sa ilaha” o “ewan ko sa kanila” sa tagalog ang tanong ng isang madre sa Cannussians tungkol sa pagkakasangkot umano ni Pangulong Duterte sa droga sa kabila ng kanyang kampanya kontra droga.
Ang mga nagdala raw sa kanya sa Holy Spirit Convent ay sina Father Alejo, Sister Ling, Sabio at isang Olivia na staff daw ni Vice President Leni Robredo.
Sa Holy Spirit Convent ay humigit kumulang dalawang linggo raw siyang ikinulong sa loob ng isang kuwarto at pinagbawalan din umano siyang lumabas nang walang pahintulot.
Hindi rin umano ito basta-basta makakalabas dahil mayroon daw lalaking nakabantay sa labas ng pintuan.
May mga pagkakataon daw na nakiusap siya kay Father Alejo na makalabas ng kuwarto gaya na laamang kapag nais niyang bumuli ng damit at bibili ng gamot, pero hindi raw siya pinayagan.
Maraming beses din daw na tumatawag sa kanya si Trillanes gamit ang cellphone ng isang Jonelle at sinabihan daw siyang hindi siya puwedeng umalis hanggang hindi niya napipirmahan ang mga affidavit na pinalalagdaan sa kanya.
Sa kanya raw palagay kaya ayaw daw siyang palabasin ay para maiwasang makipag-usap siya sa ibang tao sa kumbento at dahil hindi pa raw kasi siya nakakapirma sa affidavit na kanila raw inihanda para kanyang pirmahan.
Bilang patunay, mayroon daw silang naging palitan ng text messages ng isang Ferry Fajardo.
Maliban dito, mayroon din daw siyang mga mensahe sa email kaugnay ng plano ng grupo ni Trillanes laban kay Pangulong Duterte.
Isasagawa ang imbestigasyon sa Oktubre 11 dakong alas-2:00 ng hapon.