TUGUEGARAO CITY – Iniimbestigahan na ng PNP ang tunay na motibo at salarin sa pagpatay sa dating councilor ng Tuguegarao City.

Sinabi ni P/Lt. Isabelita Gano ng PNP Tuguegarao, isinasailalim na sa autopsy ang bangkay ni Manuel Fermin, 72, dahil sa hindi pa matiyak kung paano siya pinatay.

Ayon sa kanya, may nakita ang SOCO na black eye at laslas sa leeg ng biktima.

Una rito, sinabi ng driver ni Fermin na si Genesis Tungpalan na pumunta siya sa bahay ng kanyang employer para magdilig ng halaman.

Subalit pumasok siya sa loob ng bahay ng biktima nang magtaka siya dahil hindi pa ito lumalabas gayong alas-9:00 na ng umaga.

Dito umano niya nakita ang biktima na nakaupo sa rocking chair na duguan at wala nang buhay.

Saka lamang ipinalaam umano ng driver ang insidente ng alas-10:30 ng umaga.

Sinabi pa ni Gano na batay sa pahayag ng mga kaanak ni Fermin, may nawawala umano sa cabinet nito na mga alahas subalit hindi pa alam kung magkano ang halaga.